Mga Bahagi ng Sanaysay


PANIMULA
- pinakamukha ng sulatin
- kailangang kaakit-akit, nakakapukaw, nakakaganyak, nakakahatak ng kuryusidad
- pinakamahalagang talata sa isang sulatin dahil dito nakasalalay ang tagumpay o kabiguan ng akda



Mga Paraan ng Pagsulat ng Panimula

A. Pasaklaw na Pahayag- resulta o kinalabasan muna ang sinasabi bago isa-isahin at pagsunud-sunurin mula sa di-gaanong mahalaga hanggang sa pinakamahalaga ang mga detalye.
- karaniwang makikita sa araw-araw na binabasang mga balita bilang pamamatnubay.
- agad-agad matatagpuan ang bawat kasagutan sa mga katanungang Ano? Sino? Bakit? Saan? At Kailan?

Halimbawa : Isang bagitong guro ang nakasungkit ng tropeo ng tagumpay sa larangan ng pagtuturo matapos niyang ungusan ang mga batikang tagahasa ng isipan sa isinagawang pagbibigay parangal sa mga tinaguriang bayani ng lahi sa isinagawang Pambansang Pagpupugay sa mga Dakilang Gurong Pilipino sa Araneta Coliseum, Quezon City kamakailan lamang.

B. Tanong na Retorikal -

Hal: Madalas na marinig natin ang pagtatalo sa kabataan ng kahapon at ng kasalukuyan. Nahahati sa dalawang pangkalahatang pangkat ang pagtatalo: ang panig ng kabataan kahapon at ang panig sa kabataan ng kasalukuyan. Ang suliranin ay “ Higit na magaling ang kabataan noon kaysa kabataan ngayon.” Sumasang-ayon ka ba?

C. Sipi -

Hal: Si Rizal ay nagsabi sa pamamagitan ng bibig ni Isagani sa “El Felibusterismo” ng ganito: “Kung ako’y magkakaroon na ng ganyang uban , ginoo, at kung sa paglingon ko sa nakalipas ay makita kong ang ginawa ay para sa aking kapakanan at wala akong ginawa para sa bayang nagbigay sa akin ng lahat, para sa mamamayang tumulong sa akin upang ako ay mabuhay ; sa gayon, Ginoo, ang bawat ubang iyan ay magiging tinik at sa halip na ikarangal ay aking ikahihiya”.

D. Paglalarawan - Ginagamit kapag nagtatampok ng tao sapagkat nagbibigay-dekskripsyon, mga malarawan at maaksyong salita ang ginagamit.

Hal: Sa kabuuan ng klase, si Juan ang itinuturing na naglalakad na diksyunaryo. Sa taglay niyang nag-uumapaw na karunungan at baul ng kaalaman halos lahat sumasaludo. Ang pagiging mabait pa niya ang lalong nagpatingkad sa buo niyang pagkatao.

E. Makatawag-Pansing Pangungusap -

Hal: Bahala na ! Ito ang malimit mamutawi sa ating mga labi. At ang ganito’y isang ugaling hindi dapat mamayani, gaya ng kung tawagin nati’y “manana habit” na mula sa mga Kastila.

F. Salawikain o Kasabihan -

Hal: “Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong.”
“Wala sa katanyagan ng tao ang kanyang tagumpay kundi nasa pagsisikap at katapatan niya sa tungkuling nakaatang sa kanyang balikat.”

G. Pagsasalaysay -

Hal: Ang mabuhay dito sa daigdig ay batbat ng pakikipagsapalaran. Bawat pangyayaring nagaganap ay may kakambal: tagumpay sa kabiguan; halakhak sa luha; luwalhati sa pagtitiis; ginhawa sa pagpapagod at ,arami pang iba. Ang lahat ng iyan ay bahagi ng pagiging nilalang na kung may araw ay may gabi, kung may lupa ay may langit’ kung may dagat ay may bundok at kaparangan.



KATAWAN O GITNA
dito makikita ang mga kaalaman
- binubuo ito ng mga talatang kinapapalooban ng mga pangunang kaisipan at ang pantulong o pamunong mga detalyeng maayos na maayos ang masuring pagkakauri-uri at pagkakasama-sama at makatwiran ang pagkakahanay-hanay at pagkakasunud-sunod tungo sa malinaw na ikapaliliwanag ng paksa.

Iba’t ibang Paraan ng Pagsulat ng Katawan o Gitna


  • Pakronolohikal - ayon sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari mula ng pinakamatagal hanggang sa pinakakasalukuyan
  • Paanggulo - ibinabatay sa personal na masasabi o reaksyon ng bawat tao tungkol sa mga bagy-bagay o isyu tungo sa isang obhektibong paglalagom
  • Paghahambing - sa unang seksyon sisimulan muna ang pagkakaiba tungo sa ikalawang seksyon na ang mga pagkakapareho naman
  • Papayak/Pasalimuot - sinisimulan itong iayos sa mga bagay na komplikado kasunod ang mga bagay na simple o vice versa



WAKAS

Iba’t Ibang Paraan ng Pagwawakas:

  • Tuwirang Sinabi - Hal: Mula ngayon at di na magtatagal ang bukambibig na sabi ni Dr. Jose Rizal na, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” ay mapapatunayan na.
  • Panlahat na Pahayag - Hal: Makabuluhan , samakatuwid , ang palasak nating kawikaang “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.
  • Pagtatanong - Hal: Ano pa ang ating hinihintay? Magtatamad-tamaran na lamang ba tayo habang buhay? Kailan natin bubuksan ang pinto ng maunlad na kinabukasan?
  • Pagbubuod - pinakagamitin sa wakas. Hal: Ang buhay ay hindi ibinigay upang itago at impukin kundi upang gugulin para sa kabutihan ng kapwa. Ang tao’y nilalang upang makipagtagisan sa mga alagad ng dilim, upang magpakilala ng lakas.

Credit: Amelia C. Julian, Ph.D.

Mga Komento

Kilalang Mga Post