Tayutay o Figure of Speech sa Sanaysay o Essay 2

Paano at kailan ginagamit ang tayutay sa pagsulat ng sanaysay?

Halimbawa :

Ganito ang batas ng tao sa kanyang sarili dahil sa kasakiman sa pagkakamal ng materyal na bagay, kahit para silang lintang sumisipsip ng dugo sa kanilang pinagsasamantalahan. Ang mga dahilang ito marahil ang sanhi kung bakit may mayayaman sa kasalukuyan na hindi kayang ubusin ang naipong mga yaman kahit sampung ulit silang mamuhay sa daigdig. Samantalang ang mga biktima ng tatlong mukha ng kasamaan ay mistulang basahan ang saplot sa kanilang katawan. (Wakas) - Ang Tatlong Mukha ng Kasamaan.




Tayutay sa panimula, katawan at pagtatapos ng sanaysay o essay


Panimula : Magtatagumpay Ka Rin

Ang tamad at litong isip ay madaling tumigas, katulad ng semento. Ngunit ang aktibong isip ay katulad ng agos na laging masigla sa paghahanap ng landas patungo sa dagat.

Panimula : Ang Mga Pasakit ng Buhay

Hindi natin maiaalis, hindi natin maipagwawalang-bahala ang lahat ng pasakit at pagdurusa sa buhay na ito. Kahit ano pa ang gawin, maging hari o emperador man, ang agos ng buhay ay may mga kasamang naaanod na layak at siit. Hindi maaaring gawing ligtas sa mikrobyo at antiseptiko ang buhay na ito.

Likas sa tao ang pagkakaroon ng marupok na kalooban kaya kailangan ay tulungan silang magkaroon ng inspirasyon - isang gabay na magsisilbing timbulan upang magkalakas ng loob at magpunyagi nang sa gayon ay marating ang kaligayahan sa pamamagitan ng pagbaka sa kawalang pag-asa. Kung magagawa nating ngumiti sa gitna ng kabiguan, kung tayo ay may lakas ng loob na harapin gaano man ang sumasaating pighati sa buhay, kung tayo ay laging nakahanda sa anumang pagsubok, marahil, ang tagumpay na may hatid ng tunay na kaligayahan ay atin ding matatagpuan. (Wakas) - Talinghaga ng Buhay



Panimula : Ang Wika at Musika

Sinasabing ang wika ay siyang kaluluwa ng isang lahi. Dahil sa wika ang isang lahi ay nagkakaroon ng kaisahan, nagbubuklod ng iisang layon at damdamin.Sa pamamagitan ng wika ay naipahahayag ng isang lahi ang kaniyang niloloob-galak kung natutuwa at galit kung napopoot. Kung kinakailangan ang pagkakaisa upang maitayo ang isang bantayog ng isang bayani, wika at tinig ang tagapag-anyaya sa mga anak ng bayan. Kung kinakailangan ang lakas upang maigupo ang isang mapaniil na pamahalaan, wika ang tambuling taagapukaw sa mga anak ng lahi. Patay ang isang tao kapag walang kaluluwa. Mahigpit pa sa patay ang isang bayan kapag walang isang musika.

Katawan :

Ngunit may mga damdaming hindi kayang ilarawan ng pinakamayamang wika sa daigdig. Marahil, lalong tumpak ang sabihing may mga damdaming kung umaabot na sa sukdulan,may hindi maglululan sa libo mang salita. Dahop ang lalong dalubhasang panitik at di niya kayang ilarawan nang ganap at buong katapatan ang mga gayong damdamin. Mabuti ang kalikasan at nailalarawan niya kahit bakas lamang ang mga yaon, sa aliw-iw ng batisan, sa huni ng isang ulilang ibon, sa samyo ng isang bulaklak-parang, sa hagunot ng nagngangalit na sigwa, sa dagundong ng kulog, sa ugong ng mga daluyong ng habagat at sa buntong hininga ng isang paslit. Higit na di-palak ang teklado ng isang piyano, angn mga kuwerdas ng isang kudyapi at ang dilang-kawayan ng isang klarinete. Sa pamamagitan nila naibubulalas ng isang kaluluwa ang nakukuyom na galak,pighati, pag-ibig, o poot sa kanyang dibdib.

Wakas :

Sa mga naturan nalilikha ang lalong marikit na awit, ang mga walang kamatayang mga tugutugin. May katwiran ang nagsabi na “ ang musika ay siyang wika ng kaluluwa.”



Credit: Amelia C. Julian, Ph.D.

Mga Komento

Kilalang Mga Post