Filipino: Pag-aralan natin ang tungkol sa Pandiwa 1
Ano ang pandiwa?
Kahulugan ng Pandiwa
- Ang pandiwa ay salitang nagpapakilos o nagbibigay-buhay sa isang lipon ng mga salita (pansematika).
- Nakikilala sa pamamagitan ng mga impleksyon nito sa iba’t ibang aspekto ayon sa uri ng kilos na isinasaad nito (instruktural)
Ano ang pokus ng pandiwa?
- Ang pokus ng pandiwa ang tawag sa relasyong pansematika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap.
- Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.
Pitong Pokus ng Pandiwa
May pitong pokus ang pandiwa. Ito ay pokus tagaganap, pokus sa layon, pokus sa tagatanggap, pokus sa ganapan, pokus sa kagamitin, pokus sa sanhi at pokus direksyunal. Alamin natin ang tungkol dito.
1. Pokus Tagaganap o Aktor
Ang paksa ng pangungusap ang tagaganap ng kilos na isinasaad sa pandiwa. Sumasagot sa tanong na SINO.
Mag- at um- / -um-
Halimbawa:
Kumain ng suman at manggang hinog ang bata.
2. Pokus sa Layon
Nasa pokus sa layon ang pandiwa kung ang layon ang paksa/binibigyang diin sa pangungusap. Sumasagot sa tanong na ANO. Direct object sa Ingles.
I-, -an, ipa-,at in
Halimbawa:
Kinain ng bata ang suman at manggang hinog.
3. Pokus sa Tagatanggap o Benepaktib
Ang pinaglalaanan ng kilos ang siyang simuno sa pangungusap. Sumasagot sa tanong na PARA KANINO. Sa Ingles, indirect object.
Halimbawa:
Ibinili ko ng ilaw na kapis ang pinsan kong nagbalikbayan.
4. Pokus sa Ganapan o Lokasyon
Kung ang paksa ay lugar o ganapang kilos. Sumasagot sa tanong na SAAN.
Halimbawa:
Pinagtamnan ng gulay ng aming katulong ang bakuran.
5. Pokus sa Kagamitan o Instrumento
Nagsasaad na ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa ay siyang simuno ng pangungusap. Sumasagot sa tanong na SA PAMAMAGITAN NG ANO.
Halimbawa:
Ipinampunas ko ng mga kasangkapan ang basahang malinis.
6. Pokus sa Sanhi
Ang paksa ay nagpapahayag ng dahilan o sanhi ng kilos. Sumasagot sa tanong na BAKIT.
I-, ika-, ikapang-
Halimbawa:
Ipinagkasakit niya ang labis na paghitit ng sigarilyo.
Pokus sa Direksyunal
Ang paksa ay nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa
-an, -han
Halimbawa:
Pinagpasyalan ko ng aking mga panauhing kabilang sa Peace Corps ang Tagaytay.
Credit:
Ms. Cherry Joy Basug
Ms. Ma. Camille Panghulan
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento